Linggo, Hunyo 23, 2019

Ako'y aktibista, di Adonis ng iyong panagimpan

nais mo bang patayin ang apoy sa aking puso?
gusto mo bang paslangin ang ningas sa aking dugo?
ibig mo bang maging tuod ako't nakatalungko?
nais mo bang agiw lang ang lamang ng aking bungo?

sige, ako'y iyong pigilan sa pakikibaka
sige, gawin mo akong robot na walang pandama
sige, pilayan ako sa pagiging aktibista
sige, gawin mo ang gusto't nang ako'y mawala na

nais mong ang aking buong pagkatao'y baguhin
at sa imahe mong sinta'y doon ako hubugin
nais mong buong ako'y mabago't diwa kong angkin
di ako ang mahal mo kundi ibang tao na rin

ako'y ako, aktibista, mandirigmang Spartan
nasa aking puso't diwa'y baguhin ang lipunan
manggagawa't maralita'y kasangga't kasamahan
iyan ako, di Adonis ng iyong panagimpan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Di mailarawan ng salitâ

DI MAILARAWAN NG SALITÂ walang salitâ ang makapaglalarawan pag minamahal mo'y nawalang tuluyan dalamhati ang wikang nauunawaan ng puso n...