Biyernes, Disyembre 26, 2025

Nakapagngangalit na balità

NAKAPAGNGANGALIT NA BALITÀ

sinong di magngangalit sa ganyang balità:
nangangaroling, limang anyos, ginahasà
at pinatay, ang biktima'y napakabatà
kung ako ang ama, di sasapat ang luhà

dapat madakip at maparusahang tunay
ang mga suspek, dapat silang binibitay
may kinabukasan pa ang batang hinalay
sa ganyang kasamaa'y di mapapalagay

anang ulat, ang bata'y inumpog, sinakal,
isinako, kamatayang talagang brutal
sa sibilisadong mundo'y malaking sampal
umaming durugista ang dalawang hangal

kahiya-hiya ang krimen nilang ginawâ
angkan nila tiyak sila'y ikahihiyâ

- gregoriovbituinjr.
12.26.2025

* ulat mulâ sa headline at pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Disyembre 23, 2025    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Di mailarawan ng salitâ

DI MAILARAWAN NG SALITÂ walang salitâ ang makapaglalarawan pag minamahal mo'y nawalang tuluyan dalamhati ang wikang nauunawaan ng puso n...